HINDI pa man nakaka isang taon sa pwesto, nalagay sa balag ng alanganin si Senador Erwin Tulfo bunsod ng inihaing quo warranto petition na kumukwestyon sa citizenship ng mambabatas.
Sa isinagawang pagdinig para sa panukalang 2026 budget ng Senate Electoral Tribunal (SET), ibinahagi ni SET Deputy Secretary Atty. Eleanor Francisco-Anunciación ang pormal na pagsasampa ni Berteni Causing ng petisyon sa SET noong buwan ng Hulyo.
Batay sa petisyon, wala umanong karapatang humawak ng anumang pwesto sa pamahalaan si Tulfo dahil sa citizenship.
Bago pa man naging senador, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Tulfo bilang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Gayunpaman, hindi lumusot sa Commission on Appointments (CA) ang paghirang dahil sa usapin ng citizenship.
Samantala, inamin naman ni Tulfo na batid niya ang nakabinbing petisyon, kasabay ng pahayag ng kahandaan harapin ang alegasyon.
“Matatandaang kaparehong tao rin po, na isang disbarred lawyer, ang paulit-ulit na nag-file ng disqualification case laban sa akin noong panahon ng kampanya kaya di na rin po tayo nagulat. At lahat po ng DQ cases na isinampa ng taong ito laban sa akin ay dismissed na,” pahabol ni Tulfo. (ESTONG REYES)
