HINDI masusungkit ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pangarap na manungkulan bilang Ombudsman kung sa mismong tanggapan meron siyang nakabinbin na reklamo.
Sa isang pahayag, kinalampag ni Remulla ang Office of the Ombudsman na resolbahin ang nakabinbing reklamo na inihain ni Senador Imee Marcos sa kaugnay ng pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
“I’ll be filing a motion to resolve it asap,” wika ni Remulla sa isang panayam matapos ang kanyang Judicial and Bar Council (JBC) interview para sa posisyon ng Ombudsman.
Muling nanindigan si Remulla sa legalidad ng pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa The Hague, na aniya’y isinagawa upang mapanatili ang katatagan ng bansa at maiwasan ang anumang karahasan o hindi kanais-nais na pangyayari.
“I think we were able to peacefully bring him out abroad to face the charges against him without hurting anybody physically,” dagdag pa niya.
Kasong usurpation of judicial functions sa ilalim ng Article 241 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Grave Misconduct ang inihain ng senadora laban sa Kalihim ng Department of Justice.
Naniniwala rin si Sen. Marcos na ipipilit na iupo si Remulla sa Ombudsman para ipakulong si Vice President Sara Duterte kasama na ang mga kaalyado nito.
“Ang gusto nilang sabihin, napakasimple ng mga pangyayari diyan. Nagkakagulo sa Ombudsman dahil hindi sila nagtagumpay sa PI (people’s initiative), mga PI nila. Hindi rin sila umubra sa impeachment. Kaya narito na tayo ngayon,” pahayag ni Marcos sa isang pulong-balitaan.
