
MATAPOS ang halos isang taon, nakatakda nang punan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bakanteng pwesto ng Kalihim sa Department of Health (DOH).
Ang napipisil ng Pangulo – partylist Rep. Antonio Rolando Golez Jr., na kabilang sa mga agresibong nangampanya para kay Marcos Jr. na noo’y kandidato pa lamang sa posisyon ng Pangulo.
Gayunpaman, nananatiling tikom ang Palasyo hinggil sa paghirang ng Pangulo kay Golez, na nagsilbing executive assistant ni dating Health Secretary Manuel Dayrit.
Sa panahon ni Dayrit, kabilang di umano si Golez sa mga naatasan tumugon sa peligro ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).
Sa Kamara, okupado ni Golez ang posisyon ng vice-chairman ng House Committee on Health and Disaster Resilience, at miyembro ng iba’t ibang komite kabilang ang Committee on Accounts, Appropriations, Energy, Interparliamentary Relations and Diplomacy, Legislative Franchises, National Defense and Security, Nuclear Energy at Trade and Industry.
Bago pa man umugong ang pangalan ni Golez, usap-usapan ang pagtatalaga kay Dr. Willie Ong na kumandidato bilang Bise-Presidente noong Mayo ng nakalipas na taon.