MULA SA 14.3% na naitala noong nakaraang linggo, mabilis na umakyat sa 19.7% ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR), ayon sa Octa Research Group.
Paliwanag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, ang COVID-19 positivity rate ay ang datos kung saan makikita dami ng mga nagpositibo base sa bilang ng mga sumailalim sa COVID-19 test.
Ayon kay Octa Fellow Dr. Guido David, posible pang humataw sa antas ng 25% ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila kung saan pinakamalaki ang populasyon sa hanay ng 17 rehiyon sa bansa.
Una nang nagbabala ang naturang grupo sa di umano’y muling paglobo ng mga kumpirmadong kaso. Sa pagtataya ng Octa, papalo sa 800 hanggang 1,000 kasi ang arawang kaso sa gitna ng anila’y mas nakakahawang Arcturus variant – isang mutated virus strain na pinaniniwalaang dahilan ng mabilis na hawaan ng nakamamatay na karamdaman.
Sa datos ng Department of Health (DOH), isa pa lang ang kumpirmadong kaso ng Arcturus sa bansa.
Lubos din ikinabahala ni Guido ang mabilis na pagtaas ng COVID-19 positivity rate na para sa World Health Organization’s (WHO) ay hindi dapat lumagpas ng 5%.
Sa pag-aaral ng Octa, nasa 17.1% naman ang COVID-19 positivity rate sa buong bansa – higit na mas mataas kumpara sa 15.9% na naitala noong nagdaang linggo.
Sa pagtataya ni Guido, posibleng maglaro ang bilang ng mga bagong kumpirmadong kaso sa pagitan ng 1,100 hanggang 1,300 ngayong araw, Mayo 5.
Tumaas na rin aniya sa 24.7% ang hospital occupancy rate mula sa dating 22.5% na naitala noong Abril 25.
Sa kabuuan, nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng kabuuang 4,096,335 kaso matapos madagdagan ng 867 confirmed cases kahapon (Mayo 3).
Nasa 7,565 naman ang active cases, ayon din sa Octa.