
Para sa ‘Ang Probinsyano’ partylist group, wala dapat maiwan sa transport modernization na isinusulong ng pamahalaan.
SA gitna ng panibagong transport strike na inilunsad ng grupong Manibela, hinikayat ni Ang Probinsyano partylist Rep. Alfred Delos Santos ang pamahalaan para ikonsidera ang isang inklusibong reporma sa Public Utility Modernization Program (PUVMP).
Paglilinaw ni Delos Santos, suportado ng Ang Probinsyano partylist group ang ipinaglalaban ng mga operator at tsuper ng mga pampasadang jeep. Gayunpaman, higit aniyang angkop na isaalang-alang rin ng mga welgista ang mas pagdurusa ng mga komyuter, gayundin ang malawak na epektong dulot ng tigil-pasada sa ekonomiya ng bansa.
“We recognize and support the right of our transport groups to speak up for their livelihood. But we also hope that they take into account the daily struggles of ordinary commuters, especially students, workers, and small businesses that are directly affected by disruptions,” pahayag ni Delos Santos.
Inilunsad ng grupong Manibela ang malawakang tigil-pasada bunsod ng hindi makatotohanang datos na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Partikular na inalmahan ng Manibela ang ibinibidang 86 percent consolidation rate, gayung kalahati lamang umano ng naturang datos ang inaprubahan ng ahensya. Sa pagtataya ng militanteng grupo, nasa 30 hanggang 35 percent lamang ang bilang ng mga operator na pumaloob sa consolidation program.
Panawagan ng kongresista, isang tunay na dayalogo sa hanay ng mga operator at tsuper ng mga tinaguriang traditional jeep.
“We urge all parties to come to the table. Instead of causing widespread disruption, we believe that bringing these concerns directly to the right agencies through formal channels, is a more effective and lasting path forward,” dugtong ng partylist solon.
Hinimok rin ni Delos Santos ang Department of Transportation (DOTr) at maging si DOTr Secretary Vince Dizon na lumahok sa isang bukas na talakayan kasama ang mga operator at jeepney driver para pag-usapan ang provisional authority, multa sa mga colorum, at ang kawalan ng kakayahang pinansyal na kinakaharap ng mga tsuper.
“We hope this situation does not lead to further burden. Hunger and fear should never be the price of modernization. The goal should always be inclusive reform, where no one is left behind,” ani Delos Santos.
Sa pagtataya ng Ang Probinsyano partylist group, libo-libo ang apektado ng tigil-pasada, habang daan-daang paaralan sa mga apektadong lugar ng welga ang napilitan magsuspinde ng klase.
Nagpahayag naman ng kahandaan si Delos Santos na magsilbing tulay para sa isang komprehensibong talakayan kasama ang mga transport groups at pamahalaan.
“We are ready to extend help and open our doors to our jeepney drivers and operators. If they need someone to amplify their concerns, Ang Probinsyano Party List is here to listen and help bring those concerns to the right authorities,” pagtatapos ni Delos Santos. (ESTONG REYES)