SA layong tulungan ang mga magsasakang Pinoy, pormal nang inilunsad ng Kamara ang tinaguriang “Rescue-Buy Drive na magsisilbing tulay para ibenta ang ani mula sa taniman at sakahan.
Sa magkasanib na inisyatiba nina House Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos, unang tinugunan ang mga Cordillera mountains veggie crop farmers na madalas nakakaranas ng pambabarat ng ilang middleman, oversupply dahil hindi agad nabibili ang kanilang produkto at mataas na presyo ng petrolyo.
Ayon kay Marcos, sa ilalim ng programa, ibebenta sa P200 kada sampung kilo o P20 kada kilo ang mga bagong aning repolyo mula sa naturang rehiyon — mas mababa kumpara sa presyo sa mga pamilihan.
Sa ganung paraan aniya mae-engganyo ang mga konsyumer sa mura pero sariwang gulay, habang tinutulungan ang mga lokal na magsasaka na karaniwang nalulugi dahil na rin sa pagkabulok ng ani.
Kinilala rin ng mambabatas mula sa Ilocos Norte ang grupong Tereng of KM Ngayon Na Partylist, na kaisa nila layuning maging katuwang at sandigan ng mga magsasaka lalo na sa panahon ng iba’t-ibang pagsubok.
“Our farmers work tirelessly to feed the nation, yet many of them suffer huge losses whenever prices collapse because of oversupply and high transport costs. This rescue-buy initiative is our simple but meaningful way of helping ease their burden,” paliwanag ng batang Marcos.
Aniya, ang naturang hakbang ay higit pa sa pagbebenta lamang ng mga aning gulay o iba pang produkto ng mga magsasaka dahil kaakibat nito ang matibay na pakikiisa ng lahat sa sektor ng agrikultura.
“Every kilo bought is direct support for the livelihood of our farmers. We hope this effort also raises awareness about the daily struggles faced by those who keep our food supply stable,” dagdag ng mambabatas.
“Kapag tinulungan natin ang ating mga magsasaka, tinutulungan din natin ang food security ng bansa. Maliit man na hakbang ito, malaking bagay ito para sa ating mga kababayan sa sektor ng agrikultura,” pagwawakas ni Marcos.
