NI ESTONG REYES
BUKOD sa kalakalan ng droga at kontrobersyal na Pharmally scam anomalya, pasok din sa intelligence operations ng Chinese government sa Pilipinas ang nagtatagong former presidential economic adviser ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa huling araw ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality hinggil sa illegal POGO sa bansa, ipinakita ni Hontiveros ang isang litrato ni self-confessed Chinese spy sa Al Jazeera documentary She Zhijiang kasama si Michael Yang.
Ayon kay Hontiveros, ibinigay sa kanyang team ang litrato ng isa sa pangunahing informants ng komite ng Senado.
“It further deepens what we already know: Michael Yang is a key actor in Chinese intelligence operations here. Michael Yang na sangkot sa Pharmally, and if the reports are accurate, sa drug operations dito,” wika ni Hontiveros sa kanyang opening statement.
“Michael Yang na economic adviser ng dating Pangulo. Ginatasan na tayo, pinagtaksilan pa,” aniya.
Ibinulgar din ng senador ang ilang impormasyon hinggil sa pagkakasangkot ni She sa Pilipinas. Katunayan aniya, taong 2014 nang hatulan ng korte si She kaugnay ng pagtatayo ng private lottery platform sa Pilipinas sa ilalim ng kumpanyang New Asia, Wanda, Diyuan, at Tang Club nang walang government approval.
Paniwala ng senador, malayang nakagalaw si She sa Pilipinas sa tulong ng mga koneksyon sa Bureau of Immigration.
“You cannot get a new passport, you cannot go to China. Unless may nag-ayos sa yo na matataas na tao. At diumano ang dahilan kung bakit ito naaayos ay dahil nga kinuha sila bilang intelligence asset. Ayon nga po kay She Zhijiang, siya po ay narecruit bilang intelligence asset to work for the Chinese Communist Party,” ayon kay Hontiveros.
Sa likod ng legal block, sinabi ni Hontiveros na nagagawang kumilos ni She hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Myanmar at Cambodia gamit ang limang iba’t-ibang pangalan.
“Noong 2017, despite the 2014 case involving activities in the Philippines and completely oblivious to his espionage activities here, Mr. She was given a 9G visa by the Bureau of Immigration,” ayon kay Hontiveros.
“He continued activities together with the Chinese Communist Party. I want to point out that She’s documented links in the Philippines are via CEZA,” aniya na tumutukoy sa Cagayan Economic Zone Authority.
Bukod sa gambling operations, binanggit din ni Hontiveros ang ilang impormasyon sa pagsasabing “confirms some of my earlier theories that scam cities are used to sow disinformation campaigns to influence hearts and minds.”
“Mukhang hindi lang sugal, scam at trafficking ang pakay ng mga compound na ito, kundi fake news din. Di ako magtataka kung yung mga atake sa akin at sa mga kasamahan ko gaya ni Senator Sherwin ay galing din sa mga POGO,” aniya.
“Chinese Communist Propaganda is also “right under our noses,” giit pa ni Hontiveros matapos ilantad sa pagdinig ang isang spa katabi ng Newport City sa Pasay na konektado kay She na may QR codes patungo sa videos sa pagtawag sa China.
“Itong Yatai spa was once associated with She Zhijiang, but we have no knowledge if he still has controlling interest. Nagpamasahe po doon ang aking informants a few weeks ago, and they took a photo of this QR code that was freely available in the buffet area,” ayon kay Hontiveros.
“Ito po ang sumambulat noong clinick namin ang QR code. A telegram group called ‘Hongsheng’ — sounds familiar ba — to support overseas bosses. I don’t know if this is the Hongsheng of Guo Hua Ping (Alice Guo) in Bamban, but nothing surprises me anymore at this point.”
