TATLONG Philippine passports ang halinhinan ginagamit ni former presidential spokesperson Harry Roque sa tuwing bumabyahe sa ibang bansa, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sa isang kalatas, inihayag ng DOJ paghahain ng petisyon sa korte para kanselahin ang tatlong pasaporteng gamit ni Roque.
Kumbinsido naman si Justice Crispin Remulla na ang mga pasaporte ni Roque ay posibleng may maliit na pagkakaiba sa idineklarang middle name (apelyido ng ina).
Kasalukuyang nag-apply ng asylum sa The Netherlands si Roque na target ng manhunt sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Angeles City regional trial court para sa mga kasong qualified human trafficking sa likod ng illegal POGO.
Ayon kay Remulla, nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa Department of Foreign Affairs (DFA) para alamin kung paano nabigyan ng tatlong pasaporte ang dating tagapagsalita ng Palasyo.
“We will ask the DFA syempre sila ang gumagawa niyan hindi naman ang DOJ,” wika ni Remulla.
“Ipapahalukay namin iyan kasi we are petitioning for the cancellation of his passport kasi nga fugitive from the law na siya,” dugtong ng Kalihim.
