SA kabila ng bonggang sahod, nagawa pa ng ilang kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na lumiban sa trabaho – pero kumpleto ang sweldo sa bisa ng modus gamit ang pekeng attendance record.
Sa isang kalatas, tiniyak ng BSP na pananagutin ang mga tinaguriang “ghost employees” na nabisto sa pagsipa ng imbestigasyon hinggil sa modus na kinasasangkutan ng isang senior official ng BSP.
“The Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) has initiated administrative disciplinary proceedings against the employees who appeared to have falsified attendance records. Due to the confidential nature of administrative disciplinary proceedings, BSP cannot disclose the details at this time,” saad sa pahayag ng BSP.
Sa isang ulat na unang lumabas sa Bilyonaryo.com, kabilang sa sinisilip ang isang dating opisyal na di umano’y “bata” ni former President Rodrigo Duterte.
Bagamat hindi pinangalanan ng BSP ang mga nabistong “ghost employees,” partikular na tinukoy sa nasabing ulat si Monetary Board Member Anita Linda Aquino na nasa likod ng kontrobeersiya. Dating chief of staff ni former Finance Secretary Carlos Dominguez si Aquino bago pa man hinirang sa BSP noong Hunyo 2020.
Sa datos ng BSP, malaki ang tinatanggap na buwanang sahod ng drayber, hardinero at college undergrad na pamangkin ni Aquino.
Wala pang pahayag si Aquino na napag-alamang dating bahagi ng Citibank, Rizal Commercial Banking Corporation at Standard Chartered Bank.
