HINDI pa man pormal na sinampahan ng kaso kaugnay ng flood control scandal, muling idiniin si former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co sa panibagong irregularidad — ghost farm-to-market roads sa Daraga, Albay.
Sa ulat na unang lumabas sa Bilyonaryo News Channel, lampas na sa takdang petsa ng “completion” ang proyekto pero nang magsagawa ng inspeksyon sa Barangay Kidaco, lumalabas na nasa excavation phase pa lang ang proyekto.
Sa ilalim ng kontrata, meron lang 54 araw ang Hi-Tone Construction and Development Corporation para tapusin ang proyekto. Kabilang ang Hi-Tone sa mga kumpanyang pinaniniwalaang pag-aari ni Co.
Ayon kay Kapitan Nelson Magallano ng Barangay Kidaco, malaking perwisyo ang hatid sa mga residente ng naka tenggang farm-to-market road na magsisilbi sanang daanan ng mga estudyante tungo sa eskwela, gayundin sa paghahatid ng produktong kopra at palay sa pamilihan.
