MATAPOS padalan ng subpoena hinggil sa di umano’y posibleng paglabag sa Republic Act 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020), ibinunyag ni Vice President Sara Duterte ang susunod na hakbang ng administrasyong Marcos na aniya’y nais burahin ang kalaban ng pamilya sa pulitika.
Sa isang pulong-balitaan,tinuligsa ni Duterte ang Department of Justice (DOJ) sa tinawag niyang ‘playbook’ ng administrasyon sa mga sumasalungat sa gobyerno – tulad aniya ng ginawa kay former Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay VP Sara, isang malinaw na panggigipit ang subpoena na inilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang pambungad na hakbang laban sa pamilyang Duterte.
Pangamba ng pangalawang pangulo, hindi malayong maglabas na rin ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa lahat ng “assets” ng kanyang pamilya.
“They want to cancel my passport, get me red-noticed internationally [by the Interpol] so I can’t travel overseas, file anti-money laundering charges to freeze my money and properties, and issue search warrants,” ani Duterte.
Gayunpaman, nilinaw ng DOJ na walang plano ang pamahalaan na ihanay si VP Sara sa talaan ng mga terorista. Sa isang pahayag, todo-tanggi si Justice Undersecretary Jesse Andres sa agam-agam ng bise-presidente.
“Hindi naman po kasi siya dine-designate as a terrorist… wala pong ginagawang ganyan sa bise presidente. Wag po niyang pangunahan ang gobyerno. Wala pong ganyang ginagawa. Yung act po ng pananakot niya, yun po ang pinapanagot siya,” giit pa ng opisyal.
Batay sa subpoena na inilabas ng NBI, inaanyayahan ni VP Sara na magbigay ng salaysay kaugnay ng ”Grave Threats under Art. 282 of the Revised Penal Code in relations to Sec. 6 of RA 10175 and Possible Violation of RA 11479.”
Partikular na tinukoy ni Andres ang banta ni Duterte na ipatumba sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez – sakaling may nangyaring masama sa kanya.
Ganap na naging batas RA 11479 sa panahon ng pamumuno ng kanyang ama – si former President Rodrigo Duterte.
