
SA kabila pa ng kabiguan ng Land Transportation Office (LTO) na tugunan ang kakulangan ng plaka sa mga rehistradong sasakyan, determinado pa rin ang Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang “no plate, no travel” policy sa buong bansa.
Sa isinagawang command conference kamakailan, naglabas ng diretiba si PNP chief Gen. Benjamin Acorda sa PNP Highway Patrol Group (HPG) na bantayan ang mga motoristang gumagamit ng sasakyang walang plaka.
Paliwanag ni Acorda, mas madaling matutukoy ng pulisya ang mga sasakyang karaniwang ginagamit sa krimen.
Pasok rin sa naturang direktiba ang mga sasakyan ng mga pulis.
“Anyone of our personnel who will be caught doing this unlawful act will face the appropriate administrative and criminal charges,” ani Acorda, kasabay ng giit na higit na angkop maging huwaran ang mga nagpapatupad ng batas.
Nakatakda naman makipag-ugnayan ang PNP sa LTO kaugnay ng napipintong implementasyon ng naturang polisiya.
Papatawan ng multang P10,000 ang may-ari ng mga hindi rehistradong sasakyan habang P1,000 naman para sa nagmamaneho.