NAPAKAHALAGANG magkaroon ng tamang impormasyon ang mga mamamayan kaugnay sa panukalang batas na magtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF) na niratsada sa Kongreso kamakailan habang hindi pa ito napipirmahan para maging ganap na batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kailangang maging maingat sa mga ipinakakalat na fake news ng kung sinu-sino sa social media para bigyan katuwiran ang niratsadang dispalihadong MIF.
Simple ang paliwanag pero hitik sa wastong impormasyon ang panayam kamakailan ng Bombo Radyo Philippines kay David Michael San Juan, economics professor sa De La Salle University at convenor ng Taumbayan Ayaw sa Maharlika Fund Network Alliance (TAMA NA).
Sabi ni San Juan, hindi makatarungan at hindi demokratiko ang pagpasa ng MIF sa Kongreso dahil hindi napakinggan ang lahat ng sektor na may nais pang sabihin kaugnay nito.
Hindi aniya maganda para sa demokrasya at hindi nasipat mabuti ang nilalaman ng MIF, minadali nga kasi sa Senado at ipinasa sa loob lamang ng dalawang araw.
Ilan sa masamang probisyon sa MIF na nasilip ng TAMA NA ay ang sobrang laki ng pera ng gobyerno na inilalaan dito.
Ang bilyones mula sa national govt fund na ilalagak para sa Maharlika ay budget na mababawas pa para sa ilalaan sa edukasyon, health care, housing at iba pa.
Ang pera rin na galing sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions (GFIs) ay gaya ng Landbank at Development Bank of the Philippines (DBP) ay kukunin para sa MIF.
“Anong problema natin dito? Ito’y puwedeng makabawas sa puwedeng ipautang o ipahiram sa mga magsasaka ng LBP at DBP sa small and medium enterprises (SMEs). Isa pa, ‘yung pera ng PAGCOR, alam natin na direktang nire-remit ito sa national treasury para sa serbisyo publiko. Mababawasan na ang para sa public services dahil may 10% share ng national govt ang pupunta sa Maharlika Fund at doon sa Section 6 ay nakalagay na maaaring mag-privatize ng mga ari-arian ng estado para dito sa Maharlika Fund,” paliwanag ni San Juan.
Hindi malinaw aniya kung saan mapupunta ang pamumuhunan ng MIF at saan ang checks and balances para pantiyak na hindi mananakaw o hindi mai-invest sa mga big businesses na konektado sa mga political dynasties, senador, kongresista at maging sa presidente.
Ani San Juan, walang probisyon ang MIF para sa rektang distribusyon ng tubo nito o dibidendo nito para sa bawat mamamayan.
“Paano sasabihin ng govt na ang Maharlika Fund ay para sa mga Pilipino kung wala naman tayong share o parte sa tutubuin nito?”
Walang sapat na safeguard ang panukalang batas para sa conflict of interest . Ang safeguard lang, ang uupong board of director ay hindi puwedeng magtrabaho sa mga korporasyon 1 taon matapos sila magtarabho as director.
Pero wala aniyang pagbabawal o magli-limit sa sino ang magiging director na galing sa korporasyon o big business na maaaring konektado sa mga korporasyon na pamumuhunanan o bibigyan ng investment ng Maharlika Fund.
Giit ni San Juan, puwedeng dumating sa punto na ang isang board of director ay gagawa ng paraan para mag-invest ang MIF sa korporasyon na dati niyang pinagtatrabahuhan. Sa kasalukuyang bill, walang humaharang sa kanila na gawin iyon.
“Wala ring pagbabawal sa maglalagak ng pera ng Maharlika sa mga big business na konektado sa kamag-anak, kaibigan ng presidente, mga senador, kongresista, at alam natin lahat na itong politicians natin ay may kanya-kanya silang big businesses directly connected sa kanila o indirectly sa kanila. Ang mga ito ay puwedeng magbenepisyo sa Maharlika Fund pero hindi sila mapipigilan kasi sa kasalukuyang batas, puwede, walang pagbabawal.”
Malinaw aniyang conflict of interest, kulang ang safeguard lalo na iyong mga members ng board of directors ay manggagaling sa private sector at ang mag-a-appoint ay konektado sa presidente kaya’t maiimpluwensyahan nila ang proseso.
Itinatambol ng tagapagtaguyod ng MIF na para sa mga mamamayan daw ito ngunit walang sectoral representatives, walang kinatawan ang mga ordinaryong mamamayan sa Board of Directors.
“Kahit malaking pera ng Maharlika ay galing sa atin. Walang accountabulity. Walang sapat na safeguard kahit anong ipagyabang nila. At granted for the sake of argument na may sapat na safeguard, walang limitasyon sa kung sino ang puwedeng gawing board of directors.”
Alam natin na maraming corrupt sa business, sa gobyerno noon pa na hindi nakakasuhan kaya pupuwedeng makalusot.
Kahit sa Transparency International nga sa Corruption Perception Index, alam natin pangit ang record ng Pilipinas. Laging kasama ang Pilipinas sa may mataas na antas ng korapsyon. Kahit anong safeguard na meron sa papel ay kulang kasi wala tayong malalakas na batas kontra katiwalian.
Nakahanda ang iba’t ibang grupo, pati ang TAMA NA na kuwestiyonin ang MIF sa Korte Suprema dahil bukod sa marami itong butas at may mga paglabag sa Konstitusyon sa pagratsada ng Kongreso para maipasa ito.
Maging ang pagsertipika ni Marcos Jr. sa MIF bilang urgent legislation ay kaduda-duda lalo na’t wala siyang espisipikong tinuran kung anong public calamity o emergency ang tutugunan nito.
Kung may mga paglabag sa Saligang Batas ang pagratsada sa MIF, aba’y hindi ba’t impeachable offense ito?
May mga nagsasabing ang mga negosyo ng mga “baka” ng mga politiko ang pangunahing makikinabang sa MIF, kaya’t sigurado na anila ang campaign kitty ng mga kandidato sa 2025 midterm at 2028 national elections.
Kung si Speaker Martin Romualdez ang nagpursige sa MIF ng todo sa Mababang Kapulungan, aba’y may makapipigil pa ba sa kanyang 2028 presidential ambition?
Ito kaya ang dahilan atv nasikmura niyang isakripisyo ang relasyon kina Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo?
Sakaling hindi kasi siya ang may hawak ng timon sa Mababang Kapulungan at lumusot ang MIF, malaki kaya ang posibilidad na hindi mga kakampi niya mula sa business sector ang makinabang sa Maharlika kaya’t goodbye 2028 presidential ambition?
Kung may mga nasisilip na paglabag sa Konstitusyon sa MIF at hindi na siya ang Speaker, puwede rin ba may umusad na impeachment complaint laban kay Marcos Jr. at masungkit ng mas maaga ni Duterte ang trono sa Palasyo?
Lahat ng mga senaryong iyan ay mananatiling haka-haka lamang kung magpapasya si Marcos Jr. na I-veto ang MIF, isantabi muna ito at payagan ang mas mahaba at malalim na diskusyon sa usapin.
Ito naman ang suhestiyon ni San Juan, kung talagang seryoso ang administrasyon na magkaroon ng Maharlika Fund, sabihin na nating makabayan at makamasa:
- Huwag kunin sa pondo ng gobyerno kasi ginagamit na ‘yan para sa social services , health care, education at iba pa , huwag na bawasan, kulang na nga.
- Mag-impose ng wealth tax, bagong buwis para sa pinakamayayaman o bilyonaryo sa bansa at doon kunin ang Maharlika fund.
- Tiyakin na walang conflict of interest, tiyakin na hindi I-invest sa mga negosyo ng Presidente, bise-presidente, senador, kongresista o ng malalapit o konektado sa kanila.
- Dapat ay may democratic mechanism. ‘Yung board of directors may representative dapat ang iba’t ibang sektor.
- Dapat may direct distribution ng dibidendo.
Kung wala niyan ay walang saysay ang Maharlika Investment Fund. Hindi tayo makikinabang, iilang tao lang.