
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI na nagpatumpik-tumpik ang ilang kasapi ng Kamara, kabilang na si Speaker Martin Romualdez, sa pormal na paghahain ng Certificate of Candidacy para sa 2025 midterm elections.
Kahapon ng umaga, nagtungo sa tanggapan ng Commission on Elections na nakabase sa Leyte si Romualdez na tumatayong pangulo ng dominant party Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), para isumite ang kanyang COC sa pagka-kongresista ng unang distrito ng naturang lalawigan kay Atty. Maria Goretti Canas, ang acting Provincial Election Supervisor ng Province of Leyte sa Comelec office sa Tacloban City.
Matapos nito ay nagbigay ng maikling pahayag ang namumuno sa 300-plus strong member na House of Representatives para ipaabot ang kanyang lubos na pasasalamat sa mga sumusuporta sa kanya.
“Ang patuloy na suporta ng ating mga kababayan ang inspirasyon ko upang ipagpatuloy ang ating nasimulan. Isa pong malaking karangalan ang magsilbi sa Leyte at sa buong bansa,” ang pahayag pa ni Speaker Romualdez, na isang lawyer mula sa University of the Philippines (UP) at pangulo rin ng Philippine Constitution Association (Philconsa).
Kasabay ng House Speaker sa pag-file ng kanyang COC ang iba pang mataas na opisyal ng lalawigan, kabilang sina Governor Jericho Petilla, Vice Gov. Leonardo Javier, 2nd District Rep. Karen Javier, at ang lahat ng mga mayor ng unang distrito na sina Remedios Petilla ng Palo, Lovell Ann Yu-Castro (Alang-alang), Eleonor Lugnasin (Babatngon), Norman Sabdao (San Miguel), Amparo Monteza (Santa Fe), Gina Merilo (Tanauan), at Erwin Ocana (Tolosa).
Si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez naman ay kinatawan ni Councilor Raymund Romualdez, presidente ng Liga ng mga Barangay sa lungsod at buong Region VII.
Ang unang sumabak sa pagka-kinatawan ng Leyte 1st District sa Kongreso si Speaker Romualdez noong 2007 at natapos ang kanyang tatlong termino kung saan sa ilalim ng 16th Congress ay nagsilbi siya bilang House Independent Minority bloc leader, naging majority Leader noong 18th Congress; isang posisyon na naging daan sa pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas.
Ngayong 19th Congress, sa kanyang pagkakaluklok bilang House Speaker, ang Leyte lawmaker ay nagsilbing daan para pagkaisahin ang Kamara at tugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayang Pilipino sa pamamagitan na rin ng mahusay na pamumuno ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Isa sa mga mabubuting panukala na isinulong ni Speaker Romualdez ay ang Republic Act No. 10754, na nagkakaloob ng exemption mula sa value-added tax (VAT), iba pang diskwento at benepisyo persons with disabilities (PWDs).
“This is one of the laws that I am proud to have authored because it genuinely helps a sector of Philippine society. We aim to pass more laws like this if we are fortunate enough to get a fresh mandate from the people of Leyte,” sabi niya.
Sa ilalim ng kanilang liderato, naipasa rin ang ilang tinaguriang landmark laws, gaya ng SIM Registration Act, ang Maharlika Investment Fund, at ang New Agrarian Emancipation Act, among countless others.
“All of these were key priorities of the administration of President Marcos. His leadership was instrumental in ensuring that these measures were deliberated and passed efficiently, reflecting the unity of both houses of Congress,” ayon kay Speaker Romualdez.
Para naman sa kanyang mga nasasakupan, naipamalas niya ang kanyang masidhing paglilingkod matapos ang naging pananalasa ni Typhoon Yolanda partikular ang ibayong pagsisikap na muling ibangon ang kanilang lalawigan at kabuhayan ng bawat mamamayan nito.
Patuloy ring nangunguna si Speaker Romualdez sa larangan ng disaster preparedness at recovery, hindi lamang para sa Leyte kundi maging sa iba pang mga lugar sa bansa.
“Ang Leyte ay hindi natin pinabayaan sa gitna ng kalamidad, at patuloy nating ipaglalaban ang kaligtasan at kabutihan ng ating mga kababayan. Kapag may kalamidad naman sa ibang lugar, sinisiguro nating nakakapagpadala ng tulong sa mga nasalanta dahil kami sa Leyte ay naging recipient ng tulong noong panahon ng Yolanda,” pagtitiyak niya.
Kapag muling nahalal sa kanyang pang-anim na termino bilang mambabatas, sinabi ni Speaker Romualdez na pagtutuunan din niya ng pansin ang pagpapalawak ng educational programs, pagpapabuti ng healthcare services, at pagkakaroon ng sapat na infrastructure development sa kanilang lalawigan.
“Patuloy nating isusulong ang mga programa na magbibigay ng mas maraming oportunidad hindi lamang sa mga Leyteños kundi pati sa lahat ng Pilipino, lalo na sa larangan ng agrikultura at turismo,” dagdag pa niya.