Ni LILY REYES
MATAPOS pagtibayin ng Department of Finance (DOF) ang pagsibak ng isang tiwaling opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR), naglabas ng babala ang pamunuan ng naturang ahensya sa posibleng sapitin ng iba pang kasabwat ng mga negosyanteng nandadaya sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Babala ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa mga kawani ng government tax collection agency, sisibakin, kakasuhan at titiyakin ang mahhabang bakasyon sa piitan ang sinumang empleyadong makikitaan ng ebidensya ng pakikipagsabwatan gamit ang gamit ang Point of Sales-Cash Register Machine (POS-CRM).
“Walang lugar sa Bagong BIR at sa Bagong Pilipinas ang mga kawani na sila mismo ang tumutulong paano mangdaya ng buwis gamit ang POS-CRM machines. Tatanggalin namin kayo sa pwesto, ipapakulong din namin kayo. Kayo dapat ang ehemplo sa tamang pagbabayad ng buwis,” babala ni Lumagui.
Buwan ng Mayo taong 2023 nang kasuhan ng BIR ang isang kawani bunsod ng di umano’y pagtulong sa asawang negosyante sa pamemeke at pandaraya sa buwis gamit ang retokadong POS CRM na karaniwang instrumento sa pagpapababa ng buwis na bayarin sa gobyerno.
