PARA makaiwas sa posibleng pagdakip bunsod ng napipintong paglabas ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court, hinimok ni Justice Secretary Crispin Remulla si dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald dela Rosa na huwag bumiyahe sa mga bansang kasapi ng ICC.
“Wag kayo pupunta sa lugar na maaaring makialam ang ICC… Sa ibang bansa kung tingin natin ay may pag-aalangan ay ‘di mag-usap muna kami kung aalis, kung pupunta sila sa ibang bansa na maaaring magkaroon ng problema,” wika ni Remulla.
Ginawa ni Remulla ang payo sa dalawa kahit na tapos na ang panunungkulan sa Malacañang ni Duterte habang senador na si Dela Rosa na nagsilbing dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng ‘war on drugs’.
“Kasi ano ‘yan eh, they’re citizens of the Republic who also need our protection, so we have to tell them, advise them properly,” ani Remulla makaraang ibasura ng ICC Appeals Chamber ang petisyon ng Pilipinas sa pagbasura ng ICC investigation sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng termino ni Duterte.
Kinastigo rin ng DOJ ang desisyon ng ICC sa aniya’y maling paniwalang saklaw pa rin ng pandaigdigang husgado ang mga bansang nagbitiw na bilang miyembro.
Sa panig ni dela Rosa, hayagang sinabi ng dating hepe ng pambansang pulisya na mananatili lamang siya sa Pilipinas.
“Wala akong pakialam kung ano man ang mangyari sa akin… dahil sa drug war. Walang problema sa akin, basta ginawa ko para sa bansa…Bahala na kayo humusga, kung gusto nyo ako ibitay, gusto n’yo ako mabitay, then go ahead,” ani Dela Rosa.
Partikular na sinisilip ng ICC ang nasa 30,000 pinaslang sa drugwar na inilunsad ni Duterte matapos mahalal sa Palasyo taong 2016.