HINDI pa man ganap na humuhupa ang usapin hinggil sa palpak na serbisyo ng Prime Water, muli na naman nahaharap sa imbestigasyon ang isa pang kumpanyang pag-aari ng mga Villar — ang Siquijor Island Power Cooperative (SIPCOR).
Sa isang pahayag, isiniwalat ng Palasyo ang napipintong paglabas ng show-cause order ng Energy Regulatory Commission (ERC) laban SIPCOR bunsod ng krisis sa kuryente sa lalawigan ng Siquijor.
Ayon kay Atty. Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, pawang palyado ang mga generator sets ng SIPCOR.
“Sa ngayon, ang pinadalang genset ng SIPCOR ay may problema rin. Hindi gumagana nang maayos kaya mag-iisyu ng show cause order ang ERC sa SIPCOR,” wika ni Castro.
Bago pa man sumawsaw ang Palasyo, nagdeklara na ng state of calamity ang pamahalaang panlalawigan ng Siquijor dahil sa walang puknat na brownout na umano’y lubhang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga negosyante at residente sa nasasakupang probinsya.
