Ni Jam Navales
SA laki ng pondong ipinasok ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga katuwang na bangko at iba’t ibang investment platforms, kayang-kayang tustusan ng nasabing ahensya ang isinusulong na across-the-board increase sa medical benefits ng mga PhilHealth members.
Sa kanyang liham kay PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr., iginiit din ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee na kailangang i-update ng ahensya ang umiiral na case rate dahil hindi na aniya akma sa kasalukuyang gastos sa pagpapagamot ng mga miyembro.
“As I previously pointed out, while we recognize the mandate of PhilHealth to invest its income for its corporate survival, a more responsive and impactful health insurance program and the welfare of its contributors and beneficiaries are far more important and must be prioritized by PhilHealth,” hirit ni Lee kay Ledesma.
“Sa panahon na walang humpay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, malaking tulong sa ating mga kababayan ang karagdagang benepisyo. Siguradong Winner Tayo Lahat kung tataasan ng PhilHealth ng twenty hanggang thirty percent ang sinasagot nitong mga bayarin,” dagdag ng Bicolano solon.
Kung may bilyon-bilyong pondo aniya ang PhilHealth, dapat mas mapalawak ang benepisyo. Partikular na tinukoy ng bagitong kongresista ang outpatient benefit packages kung saan babalikatin ng ahensya ang gastusing kalakip ng X-Ray at MRI. Gayundin aniya sa mga generic medicines at benefit packages para sa severe pneumonia at acute hemorrhages.
“Napakahalaga ng ating kalusugan dahil ito ay Wealth That Lasts. At ngayon tayo ay nasa new normal, patuloy po tayong maghahain ng mga panukalang magpapabuti sa antas ng pangangalaga ng kalusugan ng lahat ng Pilipino,” pagtatapos ng Lee.