
Ni Jam Navales
KUMBINSIDO ang isang partylist congressman na napapanahon nang imulat ang isip at diwa ng mga kabataan hinggil sa katiwalian, kasabay ng panawagan gawing bahagi ng school curriculum ang naturang paksa sa akademya.
Sa inihaing House Bill 9054 (Anti-Graft and Corruption Education Act), target ni AnaKalusugan partylist Rep. Ray Reyes na isama sa basic education curriculum ang anti-graft and corruption modules na aniya’y magbibigay liwanag sa kaisipan ng mga kabataang pag-asa ng kinabukasan.
Para kay Reyes, dapat ituro sa mga mag-aaral ang patungkol sa good conduct and ethical standards of public officials and employees.
“In order to raise the awareness of our youth on the detrimental effects of corruption, it is high time to equip our students with the necessary knowledge, skills, and values to resist and combat corruption,” diin pa neophyte partylist solon.
“The education of young minds should be melded with the strengthening and ingraining of ethical behavior, moral character, honesty, and fairness as core human values,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Reyes ang paglaban sa korapsyon ay siyang mahalagang layunin ng bawat gobyernong nagsusulong ng tinawag niyang “transparency, accountability at sustainable development.”
Sa ilalim ng panukala ni partlist solon, sanib-pwersa ang Department of Education (DepEd) at Office of the Ombudsman sa pagbabalangkas ng modules of instruction na may kinalaman sa konsepto, epekto at pag-iwas sa graft and corruption na isasama sa curricula ng basic education.
Kabilang sa mga isinusulong na kalatas na gagawing bahagi ng modules of instruction ang Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), RA 3019 (Anti-Graft and Corruption Practices Act); RA 6770 (Ombudsman Act of 7989) at ang patakaran at panuntunan na pinaiiral ng Civil Service Commission (CSC) sa paglalatag ng disciplinary actions.
“Umaasa tayo na sa pamamagitan ng panukalang ito, magkakaroon tayo ng bagong henerasyon na mulat sa panganib ng korupsyon at hihingi ng pananagutan sa pamahalaan,” ayon pa kay Reyes.