
CHOOSY. Ganito ang paglalarawan ng dalawang kongresista sa kasong graft na isinampa ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez laban kay House Speaker Martin Romualdez at iba pang ranking House leaders kaugnay ng 2025 national budget.
Partikular na sinilip nina Taguig City Rep. Pammy Zamora at 1-RIDER partylist Rep. Rodge Gutierrez ang anila’y tila pagpuntirya lamang sa mga opisyal ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa reklamong inihain sa Ombudsman ng kilalang kaalyado ni former President Rodrigo Duterte.
Ayon kina Zamora at Gutierez, kung ang kaso ay may kinalaman sa pinagtibay na 2025 General Appropriations Act, nakapagtataka anilang pawang miyembro lang ng Kamara ang kinasuhan, gayong bahagi ng bicameral conference committee ang mga senador.
“The Speaker isn’t even part of the Bicam. So, sana po nilinaw po nila yung kinasuhan nila. Kung tungkol talaga sa bicam ang kanilang kaso, hindi po parte ng bicam ang Speaker,” wika ni Zamora.
“If you also look at the cast of characters, bakit… yung House lang po yung respondents?,” sundot ng 1-RIDER partylist solon.
“These are just some questions that I think siguro dapat maitanong ng taongbayan in relation to the context of the filing of that case,” saad pa ni Gutierrez.
Aniya, si Alvarez, na tumatayong complainant ay isa ring kasapi ng Kamara na kung mayroong puna sa deliberasyon ng 2025 national budget ay maaari naglatag ng kanyang argumento sa committee hearing at maging sa kanilang plenaryo.
Naninindigan ang dalawang mambabatas na walang anumang iregularidad sa Bicam committee sa pag-apruba sa 2025 GAA.
“We stand by yung sinabi po ng ating leadership, we stand by po yung sinabi ni acting Chair [Stella] Quimbo na ginawa naman lahat ito with authority ng bicam,” giit ni Gutierrez.
Samantala, tiwala si Zamora na lalabas ang katotohanan hinggil sa naturang alegasyon.
“We’ll leave it to the courts para sa pag-andar nun, ang House leadership naman ready naman to answer anything at any time.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)