
KUNG pagbabatayan ang resulta ng pinakahuling survey na pinangasiwaan ng dalawang respetadong research firms, hindi kinagat ng mga mamamayan ang intrigang ipinupukol sa mga programang ayuda ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ni House Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Pammy Zamora ang datos ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia kung saan nakapagtala ng mataas na antas ng suporta mula sa Pinoy respondents ang Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP) at iba pang social service programs na aktibong isinusulong ng liderato ng Kamara.
“Well, personally masayang-masaya ako sa survey na yan kasi it vindicates what we’ve always said na itong mga issues tungkol sa ayuda ay pawang ingay lamang at talaga namang hinahanap ito ng taong bayan,” bungad ni Zamora nang hingian ng reaksyon kaugnay sa SWS at Pulse Asia surveys.
“Kasi yung 4Ps, diniderekta yan para sa talagang mga sa poorest of the poor. Ito naman AKAP ay nakadirekta para sa mga near-poor na isa ring malaking bahagi ng ating populasyon. Kaya masaya kami na ‘yan ang lumabas sa survey kasi ito naman ay bagay na talagang pinaniwalaan namin noon pa man,” dugtong ng ranking lady House official.
Sa SWS survey, lumabas na 90 percent ng respondents ang nagsabing malaking tulong sa kanila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) habang 88 percent naman ang sang-ayon sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Bukod dito, 81 percent ng respondents ang nagsabing ang AKAP at Walang Gutom Program ay nakatulong din sa kanila.
Ang Pulse Asia survey naman ay nagpapakita na 82 percent ng respondents ang nagsabing sa pamamagitan ng 4Ps ay bumuti ang kanilang pinansyal na katayuan.
Meron din 81 percent ang nagpahayag na nakatulong ang AKAP para mabawasan ang kanilang problemang pang pinansyal.
Samantala, umaasa si Zamora na matutuldukan na ang mga batikos at walang batayang alegasyon sa AKAP at iba pang programa na inisyatiba ni Speaker Martin Romualdez dahil ang tunay na layunin lamang ng House leadership ay direktang maipaabot ang tulong ng gobyerno sa mga indibidwal at pamilyang hirap sa pamumuhay. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)