“SHE can deny it all she wants, but the facts are clear.”
Ito ang mariing tugon ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V sa pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na mas kumakampi sa posisyon ng China kabilang ang usapin nang agawan ng teritoryo sa West Philippine Seas (WPS).
“We agree with what Undersecretary Claire Castro said. The President is pro-Philippines. The Dutertes, as we’ve all seen, are pro-China. The Vice President can keep denying it, but her record speaks for itself,” tigas na sabi pa ng La Union lawmaker.
“Habang nilalabag ng China ang ating teritoryo, ang tinig ng Pangalawang Pangulo ay kadalasang katahimikan. At kung may pahayag man, ito’y paninisi pa sa liderato. That’s not neutrality; that’s evasion,” dagdag niya.
Ganito rin ang paniniwala ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st Disrict Rep. Jay Khonghun kung saan sinabi niyang ang katahimikan ni Duterte sa mga agresibong gawain ng China sa WPS ay kasing ingay ng pagkampi nito sa huli.
“Kapag ang Pangalawang Pangulo mismo ay hindi klaro kung kanino siya kakampi, mahina ang laban natin. Lalo lang nitong pinapahina ang posisyon ng Pilipinas sa harap ng mga banyagang umaabuso,” ayon pa kay Khonghun.
Kapwa iginiit nina Ortega at Khonghun, na ang kani-kanilang lalawigan na kinakatawan sa Kamara ay direktang apektado ng pambabarako ng China, na sa panahong mataas ang tensyon dala ng WPS territorial disputes, dapat maging malinaw at makakuha ng lakas ng loob ang taumbayan sa hanay ng national leaders hinggil sa naturang usapin.
“President Marcos has drawn the line. He is pro-Philippines. We expect the rest of our leaders, especially those in high office, to do the same,” ani Ortega.
“Walang puwang sa alanganin pagdating sa interes ng bayan,” saad naman ni Khonghun. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
