
SA gitna ng usad-pagong sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, nanindigan si Atty. Princess Abante na hindi Kamara ang dahilan sa pagkaantala ng pagdinig.
Katunayan, ani Abante, hangad ng Kamara magkaroon ng tuloy-tuloy na pag-usad ng paglilitis sa bise-presidente ng bansa.
Ayon kay Abante, sinusunod ng Kamara ang mga probisyong nakasaad sa 1987 Constitution, partikular ang katagang “forthwith” o agad-agad ang pagsasagawa ng impeachment trial.
Paliwanag ng abogadong tagapagsalita ng Mababang Kapulungan, hindi agad naibalik ng Kamara sa Senado ang inihaing Articles of Impeachment dahil pinagtibay pa ng plenaryo nito ang isang mosyon na ipagpaliban ang pagtanggap ng nasabing dokumento.
“Well, hindi naman kami nagpapahirap. Kaklaruhin natin kung ano yung mga factual na pangyayari doon sa mga binanggit ni Senate President Chiz Escudero. On June 11, during the last session day of the 19th Congress, a motion was made to defer the acceptance of the remand of the articles of impeachment which was approved by the plenary. Kaya hindi pa matanggap ng House because there was a motion approved sa plenary,” pahayag pa ni Abante bilang tugon sa tinuran ng lider ng Mataas na Kapulungan.
Nilinaw din ni Abante ang umano’y pagtanggi ng Kamara na tanggapin ang entry of appearance ng mga abogado ni VP Duterte sa impeachment court.
Aniya, hindi tinanggap ang dokumento dahil hindi sinabi ng messenger kung ano ang laman nito.
“Doon naman sa entry of appearance (of Duterte lawyers), again, pinapaliwanag natin, wala naman tinanggihan. Hindi nga lang kasi nagpakilala ng maayos ang mensahero kung ano yung binigay nila sa House na dokumento. Hindi naman sinabi kung entry of appearance ‘to o para saan,” paglalahad ni Abante.
“Walang tinatanggihan, walang pinahihirapan. Ang gusto natin, isang trial na maisagawa forthwith. Kasi dapat lang matuloy ang trial. Yun naman ang nakalagay sa Saligang Batas eh. Wala naman tayong pinaghuhugutan pang personal o politika. Ang sinusunod lang natin ‘yung nakalagay sa Saligang Batas which is to proceed with the impeachment proceedings forthwith.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)