NI JAM NAVALES
PATULOY na kinakalampag ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) partikular sa panawagan itaas sa hanggang 30 porsyento ang lahat ng benepisyo sa mga miyembro.
“2024 na, ano pang hinihintay ng PhilHealth para ipatupad itong 30% increase? Huwag natin ipagdamot ito sa milyon-milyong makikinabang dito,” ang banat pa ng Bicolano lawmaker.
“Hindi lahat ng Pilipino, may health card o HMO. Paano naman yung mga kababayan natin na umaasa lang sa sasagutin ng PhilHealth sa pagpapagamot? Isipin natin yung mga pinipili na lang maratay sa bahay, at sa kasamaang palad, mga namamatay, dahil hindi nagpa-ospital sa takot na mabaon sa utang dahil sa laki ng gagastusin,” diin ni Lee.
Ayon sa AGRI partylist lawmaker, simula nang malaman niya noong September 2023 na may sobra-sobrang pondo ang PhilHealth, batid niyang kaya pala tustusan ng ahensya ang mungkahi niyang “30% increase in benefits.”
“Hindi ko na tinantanan ang panawagan na ito, at hindi rin ako titigil hanggang maibigay ng PhilHealth ang sapat at nararapat para sa mga kababayan nating may sakit.”
Matatandaan sa pagsalang sa Kamara ng hinihinging badyet ng Department of Health (DOH) para sa 2024, nabatid ni Lee na nasabing state health insurer ay mayroong P466 billion investible funds at net income na P68.4 billion.
Kaya naman noong Oktubre ng nakaraang taon, personal na lumiham ang mambabatas sa PhilHealth kung saan inirekomenda niya ang 20% hanggang 30% increase sa lahat ng benefit packages at coverage na ibinibigay ng huli.
Bukod dito, inihain din ni Lee ang kanyang House Resolution No. 1407 na humihimok naman sa PhilHealth na i-update coverage nito dahil ang sinusunod na case rate na huli ay ilang taon nang hindi nababago at hindi na rin angkop sa kasalukuyang inflation at tumataas na gastusin sa pagpapagamot.
“Winner Tayo Lahat kapag finally, na-implement na itong much-needed increase sa PhilHealth. One step closer ito sa pangarap natin na ‘pag nagkasakit ang Pilipino, konti na lang, o wala nang ni isang kusing na babayaran sa pagpapagamot sa ospital,” pagtatapos ni Lee.
