HINDI biro ang nakaambang peligro sa buhay ng mga mamamayan dahil sa mababang kalidad ng mga imprastraktura, ayon sa isang kongresista dalawang linggo matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang Mindanao.
Sa isang kalatas, nanawagan sa Senado si Abra lone district Rep. JOB Bernos sa senado na pagtibayin sa lalong madaling panahon ang panukalang “New Philippine Building Act” na nakabinbin sa mataas na kapulungan.
Hiniling din ni Bernos ang pagsasagawa ng structural integrity inspections na naglalayong tiyakin ang integridad ng mga major infrastructures sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing panukala, papatawan ng mabigat na parusa ang building owners, gayundin ang pinuno ng kinauukulan ahensya ng gobyerno na mabibigong sumunod sa itinakdang construction standards.
“Buhay ang maaaring kapalit ng kapabayaan at hindi pagsunod sa batas. Kaya kailangang maparusahan ang mga building owner at mga government officials na hindi sumusunod sa Building Code,” wika ng kongresista mula sa hilagang bahagi ng bansa.
Dapat din aniyang tiyakin matibay at hindi bibigay sa anumang uri ng kalamidad ang lahat pangunahing imprastraktura gaya ng kalsada, tulay, pantalan, paliparan, eskwelahan at iba pang pampublikong gusali.
Giit ng Abra solon, ang pagsisiguro sa structural integrity ng partikular na gov’t infrastructure ay hindi lamang para matukoy kung ginagamit ng tama ang pondo at mahusay ang pagkakagawa nito, bagkus ay may kinalaman din sa kaligtasan ng mga tao.
“Such a review is urgent especially given the unpredictable nature of earthquakes and other disasters. A comprehensive review would allow the government to identify which structures need to be rehabilitated or put out of use,” ani Bernos.
