WALANG kinikilalang pwesto sa pamahalaan o estado sa lipunan ang umiiral na batas, ayon sa isang opisyal ng pambansang kapulisan kasabay ng paghahayag ng kahandaan dakpin maski senador — kung may warrant of arrest mula sa husgado.
Gayunpaman, nilinaw ni Col. Allen Rae Co na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na wala pang natatanggap na anumang warrant of arrest ang pambansang pulisya laban kay Senador Rodante Marcoleta.
Una nang inihayag ni Marcoleta na may lalabas umanong warrant of arrest kaugnay ng reklamong plunder at indirect bribery laban sa kanya, kasabay ng giit na kabilang siya sa mga target busalan ng administrasyong Marcos dahil sa pagsisiwalat ng katiwalian sa pamahalaan.
“Pero ang sinisiguro ko, handa ang PNP ipatupad ang paghahain ng warrant of arrest laban kay Senador Marcoleta — kung meron man.”
Sa isang bukod na pahayag, sinabi ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na wala pang special operational directive laban sa senado, Aniya, hindi kumikilos ang pambansang pulisya base sa tsismis.
