SA kabila ng pinagdadaanan “anxiety,” nananatiling nakatuon ang mga state witnesses sa nalalapit na pagdinig ng husgado sa mga kasong isinampa kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Fredderick Vida sa isang ambush interview sa punong tanggapan ng Department of Justice (DOJ).
Garantiya ni Vida, lubos ang pinapakitang kooperasyon ng apat na state witnesses sa imbestigasyon kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“We are seeing full cooperation nila… okey naman,” ani Secretary Vida.
Pag-amin ng Kalihim, wala pa siyang natatanggap na ulat na may problema sa kalusugan ang mga testigo, bagama’t aminado si Vida nakakaranas ng “anxiety” ang ilan sa mga state witnesses dahil sa bigat ng kasong kinakaharap, higit lalo sa nalalapit na pagharap sa korte.
Binigyang-diin ng Kalihim na iba ang pagsusuri ng Sandiganbayan dahil hindi ito batay sa opinyon ng publiko kundi sa masusing pag-aaral ng batas ng mga mahistrado.
Ang mga state witness ay sina dating public works officials na sina Henry Alcantara, Roberto Bernardo at Gerardo Opulencia at contractor na si Sally Santos. (JULIET PACOT)
