DIRETSO sa punong himpilan ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa dalawang heneral na sangkot sa kontrobersyal na P6.7-billion Manila drug bust matapos lumapag ang eroplanong sinakyan pabalik ng bansa.
Sa kalatas ng pambansang pulisya, inihain ng mga inatasang operatiba ang warrant of arrest kay retired Police General Benjamin Santos na nagsilbing deputy PNP chief alinsunod sa utos ng korte.
Kabilang si Santos sa mga 29 na pulis na nadawit sa bulilyaso sa likod ng P6.7-billion drug haul noong Oktubre 2022.
Paglilinaw ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, kusang-loob na sumuko ang heneral na umalis sa bansa noong Enero 8 — isang araw bago lumabas ang warrant of arrest mula sa Manila City Regional Trial Court.
Mula sa Camp Crame para sa “booking procedures,”, dinala si Santos sa korte para maglagak ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Pito pang pulis na dawit sa asunto ang target ng manhunt ng PNP. (EDWIN MORENO)
