KUMPIYANSA ang House prosecution panel na sa naging pagprisinta sa dalawang unang impeachment charges laban kay Vice Presidente Sara Duterte ay ‘sapat na sapat’ na para madiin ang nasasakdal.

“Yun pong first two articles, tingin ko sapat na sapat na po ’yung mga ebidensya na inilatag po ng prosecution doon,” tahasang sabi ni House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon.

“At ang totoo naman, in an impeachment proceeding, isa lang naman po ’yung required to convict a respondent. So, ibig sabihin, kung high confidence ’yung prosecution panel on the first two articles, tingin ko po ’yung next two articles, ano na lang po ’yun, pandagdag na lang po ’yun doon sa kabuuan ng paglalatag po ng kaso na ito,” dagdag niya.

Ayon kay Ridon, kuntento na sila sa mga naibigay na testimonya ng mga iprinisintang mga testigo, kahit pa ang naideklarang hostile witnesses, dahil naglahad ang mga ito ng katotohanan at nasuportatahan ang argumento laban sa nasasakdal.

“I think the witnesses that had been presented had said their truth on the matter, and we are satisfied as to what had been stated in the last couple of weeks,” sabi pa niya.

Unang nailatag ng prosekusyon ang Article IV, na nag-aakusa kay Duterte nang pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at noo’y Speaker Martin Romualdez.

Sa pagtalakay naman sa Article I o ang alleged misuse at irregular liquidation ng P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ay tatlong hostile witness ang isinalang ng prosekusyon sa witness stand, na kinabibilangan ng mismong defense counsel ng inuusig, na si Atty. Michael Poa.

Ani Ridon, iisa ang litanya ng mga hostile witness — na si Duterte lang ang nakaaalam kung paano nagamit ang nasabing pondo. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *