DAHIL sa madalang na buhos ng ulan, namemeligro na rin matuyo ang mga sakahan at maapektuhan ang mga plantang lumilikha ng enerhiya bunsod ng patuloy na magbaba ng antas ng tubig na nakaimbak sa Magat Dam sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Engr. Michael Dimoloy na tumatayong department manager ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System, malapit na sa critical level ang tubig sa Magat Dam dahil sa kawalan ng ulan at tubig na dumadaloy sa malalaking ilog mula sa Nueva Vizcaya at Ifugao.
Sa datos ni Dimoloy, lumalabas na bumaba na sa 163.60 metro ang antas ng tubig mula sa reservoir ng dam dakong alas 5:00 ng umaga – mas mababa sa 164.29 metrong naitala noong Hunyo 29.
Gayunpaman, may mga ipinatutupad na aniyang contingency measures ang pangasiwaan para makatipid ng tubig.
“We are asking our farmers as well as irrigator’s association to use our irrigation water wisely due to lack of rains and limited water inflow in the Magat reservoir,” panawagan ni Dimoloy.
Sa kabila nito, sinabi ni Dimoloy na sapat pa rin ang supply ng tubig dahil sa karamihan sa mga magsasaka sa ngayon ay nag-aani na ng kanilang mga pananim kaya’t hindi gaanong malaki ang pangangailangan ng tubig sa mga irigasyon.
Pero nilinaw ng opisyal na kung magpapatuloy ang kawalan ng ulan dahil sa banta ng El Niño ay patuloy rin ang pagbaba ng lebel ng tubig sa dam at posibleng hindi na sumapat para sa susunod panahon ng pagtatanim.