
SA halip na makalikom sa sapat na kita para may paghugutan ng pananalaping panustos ng gobyerno sa susunod na taon, nalugi pa ang pamahalaan ng tumagatinting na P10.47 bilyon.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), lubhang mabigat ang epekto ng Executive Order 62 na nagbaba ng taripa sa bigas at iba pang mga produktong agrikultural hanggang 2028.
Sa naturang EO 62 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinako sa 15 percent (mula sa dating 35%) ang ipinapataw na taripa sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.
Batay sa pagsusuri ng SINAG, lumalabas na mas malaki pa ang nawalang kita kesa sa inaasahang papasok na ganansya sa kokolektahin ng gobyerno sa value-added tax (VAT) na ipinataw sa Netflix, Spotify, at iba pang foreign digital service provider.
Sa ginanap na stakeholders consultation meeting na pinatawag ng National Economic and Development Authority, ibinunton ng SINAG ang sisi kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan na anila’y nagpabagsak ng kita sa taripa ng bigas.
Sa pagkadismaya, nanawagan ang mga opisyales at kasapi ng grupong SINAG sa agarang pagbibitiw sa pwesto ni Balisacan.
Bukod sa nawalang kita, nangangamba rin ang SINAG dahil sa pagsadsad sa P15 kada kilong farmgate price ng palay dahil hindi pa dumarating sa bansa ang tone-toneladang imported rice .
“Hindi pa panahon ng anihan, paano na lang sa peak harvest? Kung ang palay ay bibilhin na lang sa P14-P16 per kilo, mas mababa pa sa gastos sa produksyon na nasa P16 per kilo,” himutok ng grupong SINAG.
“Bilyon ang kinita ng importers at traders, kapalit ng pakalugi ng mga magsasaka,” dagdag nila. Ano ang gagawin ng NEDA?”