INIUTOS ni Transportation Secretary Jaime Bautista na palawigin ang oras ng biyahe ng MRT-3, LRT-2, at LRT-1 sa gitna ng inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan.
Simula sa Miyerkules, Disyembre 20 hanggang Sabado, Disyembre 23 ay mas mahaba na ang oras ng operasyon ng tatlong rail lines.
Ayon kay Secretary Bautista, ang extended operating hours ng mga tren ay bilang tugon ng Kagawaran ng Transportasyon sa pangangailangan ng masasakyan ng mga pasahero ngayong Christmas rush.
“Sa pagpunta ng mga tao sa mga party, reunion at iba pang gathering, ating ipalasap ang Christmas spirit na pagbibigay ng kasiyahan sa pamamagitan ng komportable, ligtas, at maaasahang transportasyon sa mga tren,” ani Bautista.
Para sa DOTr MRT-3, 10:30 PM ang extended last trip schedule sa North Avenue Station mula sa original last trip schedule na 9:30 PM, habang 11:05 PM ang extended last trip schedule sa Taft Avenue Station mula sa original last trip schedule na 10:09 PM.
Bandang 10:45 PM naman ang extended last trip schedule sa LRT-1 Baclaran Station ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) mula sa original last trip schedule na 10:00 PM, at 11:00 PM ang extended last trip schedule sa Fernando Poe Jr. Station mula sa original last trip schedule na 10:15 PM.
Samantala sa Light Rail Transit Authority-LRT2, 10:00 PM and extended last trip schedule sa Antipolo Station mula sa original last trip schedule na 9:00 PM, at 10:30 PM ang extended last trip schedule sa Recto Station mula sa original last trip schedule na 9:30 PM.