TALIWAS sa pahayag ni Agriculture Secretary Francis Tiu-Laurel, walang shortage sa itlog, ayon sa isang grupo ng mga egg producers.
Sa isang kalatas, nanindigan ang Philippine Egg Board Association (PEBA) laban sa plano ng Department of Agriculture (DA) na pag-angkat ng itlog mula sa ibang bansa.
Garantiya ni PEBA President Francis Uyehara, sapat ang supply ng itlog para sa buong taon. Katunayan aniya, inaasahan higit pa sa 2024 production ang supply ng mga local egg producers ngayong taon.
“Wala pong projected shortage when it comes to table eggs. Yun pong sinasabi na maraming nalugi last year, yun po ay totoo, nalugi po sila summer of last year kaya po ang nangyari, nagbawas sila ng alagang manok noong summer season,” paliwanag ni Uyehara.
“Ang ating kasamahan, nagsimula na po silang mag-repopulate. Kaya pangako namin, pagdating ng December, hindi po ganun kataas ang presyo,” saad pa niya.
“Noong November, December, nag-stabilize na po ang presyo ng itlog. Mayroon na po tayong sufficient production supply ng table eggs during the months of November and December last year,” aniya pa.
Wala rin aniyang epekto sa bansa ang bird flu outbreak sa Europa at Amerika meron naman umanong sapat na parent stock (PS) supply.
“Right now, mayroon po tayong issue sa bird flu sa European countries. Ano po ang epekto nito? Iyong importation ng PS for this year, wala pong epekto ang bird flu issue sa Europe at Amerika, dahil parent stock na inaasahan natin this year ay dumating na po last year.”
