HINDI angkop na palampasin ng pamahalaan ang trahedya sa Laguna de Bay kunsaan nasa 27 sa 66 kataong lulan ng tumaob na bangka ang binawian ng buhay.
“Yes, we need to investigate because the bulk of Egay’s deaths came from this incident,” hirit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kaugnay ng palusot na inihayag ng Office of Civil Defense (OCD).
Ayon sa pahayag ng OCD, malakas na hangin bunsod ng bagyong Egay ang sanhi ng pagtaob ng MB Princess Aya sa bahagi ng lawang sakop ng Barangay Kalinawan sa bayan ng Binangonan, Rizal.
“Incident is still for validation whether it is related to TC (tropical cyclone) Egay as there were no Tropical Cyclone Wind Signal raised in the area when the incident occurred,” ayon kay OCD information officer Diego Agustin Mariano.
Para kay Pimentel, dapat rin bigyang linaw ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pag-alis ng no-sail order sa gitna ng pananalasa ng bagyo.
Batay sa imbestigasyon, hindi pa gaanong nakakalayo ang bangkang may lulang 66 pasahero sa pampang ng Talim Island nang hampasin ng malakas na hangin ang sasakyang dagat.
Sa pinakahuling bilang, 39 ang nakaligtas habang 27 ang kumpirmadong patay, at patuloy na hinahanap pa ang apat na ibang pasahero ng tumaob ang bangkang Princess Aya.
Samantala, tiniyak ni Senador Raffy Tulfo na papanagutin ang PCG at Marina sa paglubog ng Princess Aya.
Ayon kay Tulfo na kailangang may managot sa napaulat na pagkamatay ng 27 pasahero ng Motorbanca na Princess Aya na lumubog noong nakaraang Huwebes, Hulyo 27.
“Thirty passengers lamang daw ang maximum capacity ng lumubog na bangkang Princess Aya pero ito ay pinayagang maglayag ng may sakay na humigit kumulang 70 na pasahero at walang sapat na life vest para sa lahat ng lulan nito, dagdag pa rito ang masamang lagay ng panahon,” giit ng senador.
Ani Tulfo, paulit-ulit na lang nangyari ang mga kahalintulad na trahedya pero wala pa ni isang napanagot at naipakulong na opisyales at kawani ng PCG, at Maritime Industry Authority (MARINA) kahit aniya malinaw na mayroon naganap na kapabayaan.
“Dalawampu’t anim na buhay ang nasawi dahil sa lumubog na bangkang Princess Aya. Nangyari ito sapagkat naging pabaya na naman ang mga awtoridad tulad ng PCG at MARINA. Na gaya sa mga nakaraang trahedya sa karagatan, pinayagang maglagay ang lumubog na bangka kahit na masama ang panahon, overloaded at walang sapat na live vest dito,” saad ni Tulfo.
“Bukod sa may-ari at tripulante, dapat mayroon ding masampolan na mga taga PCG at MARINA dahil sa paulit-ulit na lang na pangyayaring ito at tila nananadya na sila,” dagdag niya.
“Time has come para mahinto na ang ganitong klaseng kapalpakan,” aniya.