MAGIGING sandigan ng mga mambabatas mula sa Kamara ang sinimulang reporma kabilang ang pagtitiyak na bukas sa publiko ang gagawin ikakasang deliberasyon at pag-apruba sa panukalang 2027 national budget.
Sa isang press briefing, tiniyak ni House Speaker Faustino Dy III na ang pondong gagastusin ng pamahalaan sa susunod na taon ay alinsunod sa tamang proseso, tutugon at nakatuon sa pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.
Garantiya ni Dy, handa ang Kamara na tuparin ang mandato ng mababang kapulungan alinsunod sa 1987 Constitution — ang maingat na pagbusisi sa P7.2 trillion National Expenditure Program (NEP), na inaasahang isusumite ng Executive branch sa Agosto 14.
Tiniyak din ng lider ng Kamara ang public consultation sa bisa ng LegisHear program na sadyang nilikha para sa makatulong sa budget process kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang mga mambabatas na maunawaan at malaman ang mga prayoridad at alalahanin ng mga komunidad sa bansa.
Nang tanungin kung may dagdag na pagbabago o reporma sa budget deliberations, agad na tumugon si Dy — “Wala pa naman kaming napag-uusapan, pero nakita naman natin na maayos naman, at nakita nating may reporma. Nakita rin natin na may transparency.”
“Sa tingin ko, lalo pa natin bibigyan ng mahahalagang security measures upang matiyak na ang ating ipapasa na 2027 budget ay talagang maayos,” dagdag niya.
Matatandaan na sa ilalim ng liderato ni Dy, mas pinaigting ng Kamara pamantayan ng pananagutan, kabilang dito ang pagbuo sa Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc) at livestreaming ng budget bicameral committee deliberations.
