SA gitna ng muling pagsipa sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, hinikayat ng pamahalaang lokal ng Maynila ang mga deboto ng Poong Itim na Nazareno na magsuot ng facemask sa prusisyon ng Traslacion.
Para tiyakin ang pagtalima ng mga makikibahagi sa taunang prusisyon, nakatakdang mamigay ng libreng facemask ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa lahat ng mga dadalo sa misa (Enero 8 at 9) sa dambana ng Poong Itim na Nazareno sa Quiapo, ayon kay Mayor Honey Lacuna.
“Lalo na mga Hijos del Nazareno, ang pakiusap sa mga barangay at deboto at sa mga sasama sa prusisyon na sila ay magsuot ng masks,” wika ni Lacuna.
Paglilinaw ng alkalde, walang dapat ipangamba sa sitwasyon ng COVID-19 cases sa lungsod.
“Tumataas ang bilang ng COVID, although controlled. Sa Manila, `di naman mataas ang nag-positive, pero to avoid any surge kung talaga gusto natin magtuloy-tuloy ang Traslacion 2024, sana mag-cooperate tayo,” pagtatapos ni Lacuna.