MATAGAL nang alam ni Vice President Sara Duterte ang nilulutong impeachment laban sa kanya ng super majority ng Kamara.
Pag-amin ni Duterte, mga kongresistang miyembro ng mayorya ang mismong nagbibigay ng impormasyon sa kanya hinggil sa di umano’y plano ng administrasyon na pabagsakin ang kanyang pamilya sa larangan ng pulitika.
Ayon sa bise-presidente, bagamat hinihintay na lamang niya ang susunod na hakbang ng administrasyon, tiniyak naman ni Duterte na handa siyang tindigan ang bawat alegasyong ipinupukol sa kanyang pamilya.
“Basta kami inaantay lang namin ang kanilang gagawin dahil expected na yun na gagawin nila dahil gusto nilang pabagsakin ang pamilya Duterte sa pulitika. Hindi lang sa pulitika, sa personal dahil sinama nila asawa ko sa harassment nila,” aniya.
Para kay VP Sara, ang nilulutong impeachment laban sa kanya ay bahagi lamang ng “playbook” laban sa pamilya Duterte na una nang naghayag ng posisyon laban sa isinusulong na amyenda sa 1987 Constitution ng Kamara.
Aniya, hangad ng administrasyon sa Charter Change ang manatili sa pwesto habang panahon.
