SA dami ng kumpirmadong kaso ng karamdamang bunsod ng kagat ng lamok, masusing pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) ang pagdedeklara ng dengue outbreak sa buong bansa.
Sa isang kalatas, inamin ni Health Secretary Ted Herbosa na pasok na sa outbreak level ang naitalang bilang ng mga pasyenteng dinala sa pagamutan bunsod ng nakamamatay na karamdaman, batay sa datos na ibinahagi ng Epidemiology Bureau (EB) ng DOH.
Gayunpaman, wala pang eksaktong petsa kung kailan idedeklara ng kagawaran ang dengue outbreak.
Sa pinakahuling impormasyon ng DOH, pumalo na sa 136,161 ang kabuuang bilang ng pasyenteng positibo sa dengue mula Enero hanggang Agosto 3, 2024 – mas mataas ng 33 porsyento kumpara sa 102,374 kaso sa unang pitong buwan ng nakalipas na taon.
Pinawi naman ng Kalihim ang pangamba ng publiko. Ani Herbosa, hindi hamak na mas kaunti ang bilang ng mga pumanaw ngayong taon dahil sa dengue.
