
HINDI pinalampas ng isang kongresista ang patutsada ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sinasabing nambudol sa pangalawang pangulo.
Paglalarawan ni Bataan Rep. Geraldine Roman na tumatayong chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality, kontrapelo na si VP Sara sa mga polisiya ng Pangulo sa umpisa pa lang ng panunungkulan bilang pangalawang pangulo.
Paglilinaw ni Roman, ginawa ng administrasyon ang lahat ng paraan para isama siya sa pamamahala.
“I’m trying to understand where VP Sara is coming from when she said na na-scam siya ng administration. Maybe she had a set of expectations nung nanalo yung Uniteam na hindi na-meet,” ani Roman.
“Ano ba yung mga expectations niya? Pero ako naniniwala ako, before you expect something from somebody, you should also be willing to give what you demand,” dagdag niya.
Inalala niya kung paano hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang halos bulag na katapatan mula sa mga opisyal ng gobyerno sa panahon ng pamumuno sa bansa.
“I remember, nung panahon ni President Duterte, he demanded almost blind loyalty sa lahat ng partido. Mula sa legislative, sa Kongreso, sa Senado, sa House of Representatives, lahat. Mga LGUs gusto niya lahat sumusunod at sumusuporta sa kanya,” aniya.
Sa kabila ng inaasahang pagkakaisa sa loob ng administrasyon, kapansin-pansin aniya ang tindig ng bise-presidente laban sa katambal noong 2022 presidential elections.
“Nung naupo naman si VP Sara, nakita ko parang very antagonistic yung kanyang attitude towards President Marcos,” sabi pa ni Roman.
Pag-amin ni Roman na siya man nadismaya dahil hindi nagtagal ang UniTeam kasabay ng giit na mahalaga ang pagkakaisa at pagkakasundo sa pagpapatatag sa bansa.
“Pinaglaban ko itong love team na ito eh, ang Uniteam. Umasa ako na sana sa pamamagitan ng pagkakaisa, maisusulong natin ang ating bansa,” paliwanag niya.
Sinabi niya na sinikap ni Marcos na bigyan ng respeto at kilalanin ang papel ni Duterte, “binigyan siya ng mga pribilehiyong lampas sa hinihingi ng kanyang opisina.”
“Nakita ko naman may effort kay Pangulong Marcos to incorporate and to involve VP Sara. She was given so many prerogatives even beyond her position as Vice President in recognition of her position, out of respect for her position,” aniya.
Sa halip aniyang suklian ang magandang pakikitungo, itinuro ni Roman na ang kampo ni Duterte mismo ang nagpasimula ng mga imbestigasyon laban sa mga senador na kaalyado ni Marcos at maging ang pagdududa sa pagkatao ng Pangulo.
“Bigla na lang may investigation sa mga senador na aligned to the Vice President kung gumagamit ng droga ang ating Presidente. Saan ka naman nakarinig ng ganun? What if that happened during the previous administration? That was unimaginable, di ba?” aniya.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang pahayag ni Duterte na nais niyang sakalin ang Pangulo dahil lamang sa isang isyu na kasing liit ng graduation gift.
“Tapos the next thing I know, napagmasdan naman natin she was making declarations na gusto daw niyang pilipitin yung leeg ng Pangulo. Dahil hindi daw nagbigay ng relo sa isang graduation. Bakit, trabaho ba ng Presidente mamigay ng relo?” aniya.
Sa sinabi ni Duterte na siya ay nabudol, mali aniya ang naturang pahayag.
“And now you are saying na ikaw ang iniwan. At sinasabi mo na ikaw ang iniwan, at sinasabing ikaw ang na-scam. Parang may mali naman yata don sa declaration na yun. There’s something inaccurate about it,” aniya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)