SA gitna ng pangamba ng mga mamamayan sa posibleng epekto ng lumalalang hidwaan sa pagitan ng kasalukuyang administrasyon at ng kampo ni former President Rodrigo Duterte, muling tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na mananatiling tapat sa saligang batas ang hanay ng mga sundalo.
Sa isang pahayag, nagbigay ng garantiya si Brawner — walang magaganap na kudeta habang siya ang namumuno sa sandatahang lakas..
Paliwanag ng AFP chief, may angking propesyonalismo ang mga sundalo, kasabay ng giit na mas nangingibabaw na ngayon ang pananagutan at disiplina sa loob ng organisasyon.
Wala rin aniyang epekto sa mga sundalo ang mga intriga, maling impormasyon at sulsol sa mga sundalo.
PAnawagan ng AFP sa mga mamamayan, maging maingat at mapanuri sa mga sensitibong paksa kaugnay ng pambansang seguridad.
Muli rin niyang pinagtibay ang pangunahing misyon ng AFP — ang pagtatanggol sa mamamayan, pagpapanatili ng kapayapaan at pagbabantay sa bayan.
