NI ANTON ANGELES
Sa hudyat ng Enero 15, asahan ang mas agresibong pagdakip ng mga pinaniniwalaang pasok sa kategorya ng terorista matapos makalusot sa Korte Suprema ang mga panuntunang kalakip ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Kabilang sa nakapaloob na panuntunan ang kontrobersyal na probisyong magbibigay-daan sa “warrantless arrest” at ang klasipikasyon ng isang grupo o indibidwal bilang terorista.
Ayon sa Korte Suprema, gagamitin ang pinagtibay na panuntunan panuntunan para sa detensiyon na walang arrest warrant, surveillance at freeze orders, paghihigpit sa pagbyahe at iba pang kautusan ng korte para sa implementasyon ng ATA at iba pang kalatas na may kaugnayan sa nasabing batas.
Nakasaad sa procedural rules ang paraan ng pag-isyu ng kautusan ng Court of Appeals (CA) para sa kahilingan ng Department of Justice na ideklara bilang terorista ang sinumang grupo, organisasyon o asosasyon. Mayroon din patakaran sakaling nais dumulog sa korte ng isang indibiduwal o organisasyon para kuwestyunin ang pagtatak sa kanila bilang terorista at gayundin ang freeze order mula sa Anti-Money Laundering Council.
Base pa sa procedural rules, kailangan humingi muna ang mga alagad ng batas o military personnel ng written surveillance order mula sa CA bago makapagsagawa ng wiretapping o mangolekta ng mga pribadong komunikasyon, pag-uusap, recording o message ng mga indibidwal o grupo na tinaguriang terorista.
Maari rin arestuhin at ikulong ang sinumang indibidwal, grupo, organisasyon o asosasyon ng alinmang law enforcement agent o military personnel nang walang arrest warrant mula sa hukuman.
Nilinaw naman na hindi maaaring lumagpas ang warrantless arrest sa itinakdang panahon sa ilalim ng Revised Penal Code maliban kung may pahintulot ito ng Anti-Terrorism Council (ATC) na nakasaad sa isang kasulatan at hindi lalagpas ng 14 na araw. Kapag galing sa regional trial court ay hindi dapat lumagpas sa 10 araw.
Sa mga kasong sangkot ang matatanda, buntis, persons with disability, kababaihan at kabataan ay magtatakda umano ng guardian ang hukuman.
Kapag sa palagay ng inakusahan ay agrabiyado sila, maaari umanong maghain ng petisyon para sa writ of habeas corpus, o dumulog sa SC kung kailangan.