NI FERNAN ANGELES
Walang bahid alinlangan isa sa pinakamahalagang tanggapan ng pamahalaan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) lalo pa’t malawak ang saklaw ng mandato ng naturang kagawaran.
Sa mga nakalipas na panahon, ipinamalas ng DENR ang pangil laban sa mga pabrikang nagdudulot ng polusyon, mga ganid na negosyanteng kumakalbo sa kagubatan, ang ilegal na minahan, at iba pang mapaminsalang aktibidad.
Gayunpaman, hindi limitado sa pagsupil sa mga sumisira sa kalikasan ang mandato ng nasabing departamento. Batay sa batas na lumikha ng DENR, bahagi ng mandato ng nabanggit na kagawaran ang pagsusulong ng wastong paggamit ng likas na yaman.
Sa pag-upo noong Hulyo ng nakaraang taon ni Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, marami ang nagduda kung angkop nga ba ang paghirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanya.
Dangan naman kasi, may conflict of interests sa pagitan ng nakaatang na mandato at ang interes ng pamilyang nagmamay-ari ng malawak na hacienda sa mga bayan ng Coron at Busuanga kung saan patuloy ang pakikipaglaban ng mga magbubukid na benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Kamakailan lang, usap-usapan sa DENR ang namumuong hidwaan sa pagitan ni Yulo at ang ilang Undersecretary, Assistant Secretary at maging mga regional directors. Anila, asal prinsesa ang DENR chief – kulang na lang utusan silang magtimpla ng kape o magbitbit ng bagahe sa kanyang sangkatutak na biyahe.
“Hindi kami nagsunog ng kilay at naging career officials para utus-utusan lang ng feeling prinsesa,” bulalas ng isang regional director.
Nang lumabas ang balita hinggil sa napipintong paggisa sa kanya ng Kamara kaugnay ng resolusyon ng Manila Regional Trial Court na nagtatalaga sa kanya bilang ‘executor’ ng 40,000 ektaryang Yulo King Ranch sa Palawan kung saan nasa 1,000 magsasakang pinagkaitan ng karapatan sa binubungkal na lupa, lalo pang naging sumpungin ang haciendera.
Batid na marahil ni Yulo-Loyzaga na nahaharap siya sa isang malaking problema, kaya naman humingi ng saklolo sa Presidential Communications Office para salagin ang kontrobersiya.
Sa isang banda, tama naman si Yulo-Loyzaga na protektahan ang interes ng pamilya. Subalit hindi angkop na gamitin ng nasabing Kalihim ang kanyang pwesto sa gobyerno.
Sa madaling salita, dapat pumili lang ng isa si Yulo-Loyzaga – mandato ng departamento o protektahan ang kanilang rancho.
Hindi pwedeng sabay – isa lang.