PUMALO sa 17.5 milyong estudyante mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan ang dumanas – at patuloy na dumaranas ng pambubully, ayn sa datos ng Program for International Student Assessment (PISA).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, nagpahayag ng pagkabahala si Senador Sherwin Gatchalian sa aniya’y sa dusang kinasadlakan ng mga mag-aaral na biktima ng mga asal-siga sa loob ng institusyong sadyang nilikha para magsilbing pangalawang tahanan ng mga kabataang inihahanda sa kani-kanilang kinabukasan.
Aniya, napapanahon nang tugunan ng Department of Education (DepEd) ang sitwasyon ng mga estudyante sa mga paaralang saklaw ng mandato ng naturang kagawaran.
Sa datos naman ng Child Protection Network Foundation (CPNF) na kabilang sa mga dumalo sa pagdinig sa Senado, una ang Pilipinas sa talaan ng 70 bansang may pinakamataas na insidente ng bullying sa mga estudyanteng edad 13 hanggang 17 -anyos.
Ayon kay CPNF Executive Director Bernadette Madrid, 65% ng mga estudyanteng Pinoy ang biktima ng bullying – batay sa resulta ng 2016 National Baseline Survey on Violence Against Children na pinangasiwaan ng Council for the Welfare of Children (CWC).
Sa pinakahuling survey ng CWC, pinakamarami ang insidente ng physical bullying na mayroong 56.79%). Kasunod naman ang social bullying (25.43%), ender-based/biased (5.92%), cyberbullying (6.03%) at retaliation (5.83%).
Aminado naman umano ang DepEd sa sitwasyon ng mga kabataan sa loob at labas ng paaralan. Katunayan anila, posibleng higit pa sa inilahad na datos ang bilang ng mga estudyanteng biktima ng pambabarako.
Gayunpaman, naglapat na di umano ng mekanismong tugon ang kagawaran – ang pagpasok ng paksang tumatalakay sa karapatan ng mga bata sa curriculum ng mga eskwelahan.