NAMUMURO sampahan ng kaso ang nasa 55 pribadong paaralan kaugnay ng nabistong “ghost beneficiaries” sa ilalim ng Senior High School (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd).
Pag-amin ni Education Secretary Sonny Angara, hinihintay na lang ng departamento ang resulta ng pagsisiyasat na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng bulilyaso sa naturang programa ng kagawaran sa panahon ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng ahensya.
Tinanggal na rin umano ng kagawaran ang mga naturang private schools sa SHS voucher program, habang inihahanda na umano ang kasong perjury laban sa pangasiwaan ng hindi tinukoy na paaralan.
“Maaaring kasuhan kung mayroon silang pinirmahan under oath, that’s perjury. Yung iba pag-aaralan pa dahil kukunin natin ang tulong ng law enforcement agencies,” wika ni Angara sa isang panayam sa radyo.
“Over 50 itong eskwelahan natin na nagke-claim na bayaran ng gobyerno yung mga nag-aral. Sa pag-iimbestiga namin, parang hindi talagang estudyante nag-aaral sa kanila. Yung iba nag-aaral talaga sa pampublikong eskwelahan, ginamit lang yung kanilang learner number so pinalabas nila na nag-aaral sa kanila, nag-claim sila ng voucher gusto nilang bayaran sila ng gobyerno eh lumalabas na hindi naman talaga nag-enroll, hindi nag-aral talaga sa kanilang mga eskwelahan,” anang kalihim.
Sa pagtataya ng kagawaran, posibleng pumalo sa P200 milyon ang ibabayad sana ng DepEd sa 55 eskwelahan. Sa naturang halaga, P55 milyon ang tuluyan nang tinabla, habang patuloy naman ang pagrerebisa sa apela ng ibang paaralan.
“May nakita kaming worth P55 million dun sa P200 na tingin namin hindi talaga dapat bayaran ng gobyerno. So yung iba sinisigurado namin na talagang nag-aral sa eskwelahan at talagang dapat bayaran ng gobyerno,” dugtong ni Angara.
