Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TANGING lagda na lang ng Pangulo ang hinihintay para maging ganap na batas ang panukalang nagtatakda dagdag sa teaching supplies allowance ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Quezon Rep. Reynan Arrogancia, higit pa sa doblado ang tatanggapin chalk allowance ng mga public teachers sa unang taon ng implementasyon sa sandaling pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang panukalang nakalusot sa Kamara at Senado.
Sa ilalim ng panukala, papalo na P10,000 ang allowance sa mga susunod na taon – malayo sa P5,000 nakalaan sa mga nagdaang panahon.
“Congress ratified the bill before it went into summer recess. Session resumes on April 29. We, therefore, expect the signing of the bill to happen in May 2024 at the earliest,” ayon sa kongresista.
Samantala, siniguro ni Senador Sonny Angara na tumatayong chairman ng Senate committee on finance, na may mga pwedeng paghuhugutan ng pondo ang dagdag allowance sa mga guro.
“Since taking over as chairman of the committee on finance in 2019, we have ensured that the teaching supplies allowance is always funded. The P5,000 a year that is currently being received by our teachers was already provided in 2021 even though the new law that will increase the amount was still in the pipeline,” ani Angara.
Partikular na tinukoy ni Angara ang 2024 maintenance and other operating expenses (MOOE) ng Department of Education na pwedeng gamitin para sa implementasyon ng batas na nagsusulong ng mas mataas na chalk allowance.
