MATAPOS sumambulat ang panibagong bulilyaso sa Department of Education (DepEd), agad na naglabas ng pahayag ang Coordinating Council of Private Educational Association (Cocopea) kaugnay ng 12 pribadong eskwelahan umano’y sangkot sa nadiskubreng “ghost students” na tumatanggap ng ayuda sa gobyerno.
Sa isang pahayag, iginiit ng Cocopea na walang kinalaman ang samahan sa kontrobersya sa likod ng Senior High School Voucher Program ng ahensya.
Nanindigan din ang grupo na hindi kasama sa imbestigasyon ng departamento ang mga eskwelahang miyembro ng Cocopea.
Katunayan, anila, hindi kailanman nasangkot ang samahan sa mga katiwalian sa paggamit ng voucher program.
Ayon kay Atty. Joseph Estrada (kapangalan ng dating Pangulo ng bansa), na tumatayong abogado ng Cocopea, suportado ng samahan ang imbestigasyon ng DepEd para walisin ang bahid ng alinlangan ng publiko sa sektor ng edukasyon.
“Ang dami pong natutulungan ng Senior High School Voucher Program ng government. This year alone, more than a million ang ating subsidy beneficiaries and mayroong 4000+ na private schools participating in the program,” ani Estrada.
Nauna nang hiniling ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada sa Senate Committee on Basic Education na magsagawa rin ng imbestigasyon ang senado hinggil sa naturang kontrobersya.
“Ang pondong inilaan para sa SHS voucher program na nagkakahalaga mula P17,500 hanggang P22,500 ay dapat pakinabangan ng mga mahihirap na kabataang nangangarap makapagtapos man lang ng senior high school, hindi ng kung sino-sinong nagmamanipula ng programa ng gobyerno. Ang ayuda sa ilalim ng Republic Act 8545, ay para sa lehitimong estudyante, hindi ‘ghost students’,” diin ni Sen. Estrada.
Taong 2016 at 2018 nang matuklasan ng Commission on Audit (COA) ang pagtanggap ng hindi bababa sa 19,000 ghost students ng ayudang naglalayong balikatin ang bahagi ng matrikulang singil sa mga pribadong paaralan sa mga senior high school students.
