November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

DepEd: 20M estudyante naka-enroll na para sa SY 2023-2024

NI JIMMYLYN VELASCO

ILANG araw bago ang pormal na pagbubukas ng klase sa Agosto 29, patuloy ang pagdami ng mga mag-aaral na nagpapatala sa mga pampublikong paaralan, ayon sa Department of Education (DepEd).

Batay sa pinakahuling datos ng DepEd, pumalo na sa mahigit 20 milyon ang nag enroll sa 44,931 public schools sa iba’t ibang panig ng bansa para sa school year 2023 hanggang 2024.

Sa naturang bilang ng mga enrollees na sabayang papasok sa Martes, pinakamarami ang mula sa Calabarzon region na binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon na may kabuuang 3,265,523 enrollees.

Nasa ikalawang pwesto naman ng may pinakamaraming estudyanteng papasok sa eskwela ang National Capital Region (NCR) na mayroong 2,402,858 enrollees, kasunod ang Central Luzon na nakapagtala ng 2,177,726.

Pagtitiyak ni DepEd deputy spokesperson Francis Cesar Bringas, patuloy na tatanggap ng mga kabataang nais mag-aral ang mga pampublikong paaralan.

“We accommodate late enrollees although we don’t encourage them to be late so class programming, especially in big schools, would be more efficient,” aniya.