APEKTADO ng kapos na pasilidad sa mga pampublikong paaralan ang nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 16, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.
Sa datos na ibinahagi ng Department of Education (DepEd), nasa 165,000 pa ang kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Angara na may nakahandang contingency measures ang kagawaran. Kabilang aniya sa kinokonsidera ng DepED ang pagpapatupad ng double o triple shifting sa mga pampublikong paaralan na kapos sa silid-aralan.
Pag-amin ng Kalihim, hindi pa kayang tugunan ng kasalukuyang budget ang nararanasang classroom shortage.
“We’re now at around 165,000 [classroom shortage] and growing kasi hindi na kakayanin nung current budget to meet the ano eh… It would take us 30 years, probably, if we work with the current budget,” ani Angara.
“Buong bansa kasi ang kakulangan eh especially in populated areas like Region 4-A and NCR (National Capital Region), grabe ‘yung… All the cities actually all over the country, mataas ang backlog,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin naman ni Angara na makatutulong ang mga partnership sa DepEd, tulad ng pakikipag-ugnayan nito sa Generation Hope, para matugunan ang kakulangan at mapabilis ang konstruksyon sa mga silid-aralan.
Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), inilaan ang P28 bilyon sa budget ng DepEd para sa mga pasilidad ng basic education, kabilang ang P7.18 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong gusali para sa kindergarten, elementarya, at sekondarya.
