ISANG malaking kabiguan ang mandatory Senior High School (SHS) level sa ilalim ng K-12 program, ayon kay Senador Jinggoy Estrada, kasabay ng mungkahing tanggalin na lang ang grades 11 at 12.
“Puro batikos at pagtutol lang ang madalas natin marinig mula sa iba’t ibang sektor mula nung ipatupad yan sa edukasyon. Sa loob ng labindalawang taon, hindi naman nakamit ang layunin ng programa,” wika ni Estrada.
Partikular na tinukoy ng senador ang layunin ng Republic Act 10533 (Enhanced Basic Education Act of 2013).
“Hindi natin pwedeng hayaan na patuloy na maging pasanin ng mga estudyante at kanilang mga magulang ang dagdag oras at gastos ng senior high school. Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level kung hindi naman nakakamit ang punong dahilan sa likod ng batas?”
Nang balangkasin aniya ang SHS program, target ng pamahalaan itaas ang kalidad ng sistema ng edukasyon sa antas ng pandaigdigang pamantayan.
Hirit ni Estrada sa mga kapwa mambabatas, pagtibayin ang Senate Bill 3001 na nagsusulong amyendahan ang RA 10533.
Kabilang umano sa mga dahilan sa likod ng kabiguan ng SHS program ay ang “sobrang dami ng curriculum,” sukdulan mahapo ng husto ang mga estudyante’t guro, at iba pa.
Sa panukalang pagtanggal ng SHS level, tiniyak ni Estrada na mananatili ang diwa ng RA 10533. Layon aniya ng kanyang panukalang amyenda gawing mas simple at mas maayos ang sistema ng high school habang tinitiyak pa rin ang kalidad ng edukasyon na akma sa pandaigdigang pamantayan.
Sa ilalim ng rationalized basic education program, iminungkahi ni Estrada ang isang taong edukasyon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya at apat na taon sa secondary education.
“Ang panukalang ito ay isang praktikal na hakbang upang ayusin ang ating sistema ng edukasyon — upang ito’y maging mas episyente, mas mahusay sa paggamit ng pondo, at mas makabuluhan para sa ating mga mag-aaral.”
