
IPINAGKALOOB kay Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles ang “Gawad Lagablab Award for Government Service,” isang parangal na iginagawad sa alumni ng Philippine Science High School (PSHS) para sa nakamit na tagumpay sa larangan ng scientific research, kahusayan sa propesyon at serbisyo publiko.
Sa pagtanggap ng parangal, inialay ni Nograles na nagtapos sa naturang paaralan noong 1993, sa tinawag niyang “pinakamamahal na alma mater – ang Philippine Science High School.”
“My years in Pisay have greatly shaped my discipline—who I am as a person—and I will always be grateful for the privilege of being a scholar,” pahayag pa ng CSC chairperson.
Ani Nograles, isang abogado at lingkod-bayan, na ibinabahagi rin niya ang natanggap na pagkilala sa mga kapwa civil servants na ikinararangal niyang makatrabaho.
Bago itinalaga bilang pinuno ng CSC, nagtapos si Nograles ng bachelor’s degree in Management Engineering at law degree sa the Ateneo de Manila University. Nagsilbing kinatawan ng Unang Distrito ng Davao City at bilang Cabinet Secretary.
Sa Kamara, si Nograles, isang pamilyadong mambabatas na may tatlong anak, ay naging susi para sa pagpasa ng mga mahahalagang batas kabilang ang Green Jobs Act, ang JobStart Philippines Act, at ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na siyang nagkakaloob ng libreng tuition sa lahat ng state at local universities and colleges sa bansa.
Bilang Cabinet Secretary, siya ay namuno sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger at co-chair ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, na siyang nanguna sa pagtugon ng pamahalaan sa naranasang pandemya. Si Nograles din ang tumayong spokesperson ng IATF sa araw-araw na press and public briefings para sa pandemic advisories, response at updates ng gobyerno.
Sa ilalim ng pamumuno ni Nograles, ang CSC ay ibayong nakatuon sa pagpapahusay sa kasanayan ng mga civil servant sa lahat ng antas. Partikular na isinusulong ng komisyon ang digitalization, kabilang ang pagkakaroon ng digital examination programs, na nakatakdang ilunsad ngayong taon.
Matatandaang unang ipinatupad ng CSC ang e-Learning Management System (eLMS) kung saan maaaring ma-access ang Learning and Development (L&D) Interventions nito. Ang eLMS ay nagsisilbing one-stop-shop para sa mga public servant na nagnanais na pagbutihin ang kanilang leadership at management skills.
Kabilang sa target ng 3LMS ang pagpapalakas ng Human Resource Information System, na ipinatutupad ng CSC katuwang ang Department of Budget and Management (DBM) at makasama sa payroll system sa susunod na limang taon.
Sa bisa ng naturang platform, ‘real time’ na malalaman ng CSC ang mga bakanteng posisyon sa iba’t-ibang ahensya, na aniya’y mahalaga para sa layuning mapunan ang mahigit sa 200,000 job vacancies sa gobyerno.
Plano naman ng CSC sa pagtatapos ng 2029 ay masaklaw nito ang 226 government agencies, o katumbas ng 1.1 million civil servants, para mapunan ang mga bakanteng posisyon ng qualified applicants at pagbibigay ng promosyon sa mga karapat-dapat na kawani ng ng pamahalaan.